Tuesday, February 21, 2012

Huling Silip

Huling Silip...

Iminulat ko ang lumuluhang mga mata,
Minamasdan ang bawat pagbabagong nakikita.
Mga pagbabagong tila ako'y ginigipit,
At 'di lubos na makapag- isip.

Ako'y napadpad sa isang matuyong lupain.
Humihingal at parang may gustong bigkasin.
Nagulat na lamang ako sa aking nakita,
Tuyong lupa na lang ang dati kong nililiguang sapa.

Ang dating punong mangga na aking kinagigiliwan.
Ngayon ay ni isang dahon ay wala ng naiwan.
Mga huni ng ibon na noon pa'y napakikinggan,
Napalitan na ng mga boses na humihingi
ng tulong mula kung saan- saan.

"Ano na ang nangyayari?!" ang naitanong ko.
Ang kalikasan ay gumaganti na sa ating pang- aabuso.
Ito ba ang paraisong ating ipinangako sa kanila?
O ito na lang ba ang manang kanilang makukuha?

Ako'y sising- sisi sa aking nadatnan,
Isang pangyayaring hindi ko inaasahan.
Ang ganda ng kahapon ay naglaho na tila isang ihip.
Sana nilubus- lubusan ko na ang aking huling silip.

0 comments:

Post a Comment